Wednesday, January 19, 2011
IGOROTAK
Sa Baguio, isang lugar
na halo-halong emosyon ang ibinigay sa akin
dito ko nakita ang mga pamana ng aking ninuno
mga kaugalian nilang hindi ko nagisnan
pero halos nagsusumigaw ang buong pagkatao ko
kung sino ako, kung ilang porsyento ng pagkatao ko
ang kabilang sa Igorota.
Dito ko natuklasan na may mga lugar
na sa isang tingin ay parang Cubao lang
ang palengke na parang Tondo lang
mas maige pa minsan ang Tondo
Nagulat ako sa mga kabataang
bigla-bigla na lang lilitaw,
mabilis na naglalakad,
yun pala, sinusundan ang isang mamang
nagtetext habang naglalakad...
Maswerte padin ang mama
dahil nang aktong sasalubungin na,
nakaharang ang dalawang ineng na nag-aabang ng sasakyan.
Dito ako natuwa sa mga taxi...
walang flag down...
Dito ko nakita na iba-iba ang tribu...
may tinglayan, balbalan atbp...
Sa kadahilanang pangsarili,
hindi ko na babanggitin kung anong tribu nabibilang
ang aking angkan
Dito sa Baguo, halo-halo na ang tao...
Hindi na ito sing ligtas gaya nang dati..
Pero isa lang naman ang mapapansin mo,
WALANG PANGO sa mga kalahi ko...
Kung meron man, naligaw sya,
nalahian, ika nga...
Mataas ang ilong,
may pagkasingkit
at talagang walang pagtatanggi,
matitigas ang tono ng boses
parang laging may kaaway
pero ito na ang aming natural
sabi ko nga at paulit-ulit pa,
kapag lumambot pa dyan sa tonong yan,
hindi mo na kayang hindian pa ang anumang kahilingan...
Madami dito ang kalahi,
pero dito din, madaming takot sa aking lahi
Marahil dahil sa noong uso pa ang ngipin sa ngipin,
kung isang kadugo mo ang pinatay,
kapalit nito'y tatlo mula sa iyong angkan...
Hindi mo pa sila agad maililibing
dahil ang ulo nila, nakadisplay sa aming lupain...
Hindi ko alam kung ang nabanggit ay aking ikatutuwa
pero ito ay isang katotohanan na hindi ko ikakaila
isang bagay na nagpatibay at nagtatak ng pagiging iba
sa mga nagkalat na kayumangging kaligatan
Matapang...sadya nga yatang mga anak ni Gabriela Silang,
baka nga umarbor lang ng kaunting tapang si Silang
sa aking mga kababayan...
dahil kung manganak ang babae,
kinakayang mag-isa
nakatukod ang mga paa at tuhod
o kaya'y magisang nakatalungko...
ganyan nilabas ang aking ina dito sa mundo...
Malaking pasasalamat ko
na ako'y nabuo
dito na sa Maynila
dahil ang balita ko,
inilabas ako ng aking ina
sa napakamabungang Fabella
na pitong buwan lamang
Akala nga ng doktor ay tsugi na
dahil kulay talong na
at hindi na nagalaw,
ngunit pumalahaw nang makatikim ng hataw
sa pwet na kay yaman...
Dito pa din sa Baguio,
iilan lamang ang nakadisplay sa museo
na mga ginamit ng aking ninuno
at sa tingin ko,
hindi kasi ibinebenta ang gamit namin,
bagkus ipinamamana sa mga kadugo mandin...
Wala na akong matagpuan
batong ikinikwintas
na sa amin ay hiyas
na nakita ko pa kay lola
at hindi na malaman
kung kaninong kamay ang may tangan
Naibibili ito ng lupa,
naipantutubos ng baka,
at ang tanging nagsusuot
ay kaming mga maharlika
Hindi ko ikinahihiya,
bagkus ipinagmamalaki pa
isang igorota,mula sa kalinga
hindi man doon namastol
dito sa maynila, ibang lahi ang humatol...
babalik ako sa lugar ni Inay
upang bigyan ng pag-asa
ang mga kabataang hindi makabasa
mga kabataang hindi makapagsalita
dahil ni isang tunog, hindi magawa
mga kabataang, walang nadidinig
dahil paglabas sa mundo,
tahimik na ang paligid...
Hindi ako kakandidato...
basta, babalik ako,hindi sa Baguio
Kundi sa Kalinga, lugar ng nanay ko...
hindi ko man maintindihan ang salita dito,
walang taong hindi natuto sa bayang ito...
Sabi nga sa isang museo,
isa lang ang agaw pansin sa mga amerikano,
ang mga igorot dito,
sadyang matatalino
at kaya sila nanatiling makaluma
sapagkat madaming bagay na masama
ang dala-dala ng bagong punla.
Igorota...hindi lahat matapang,
hindi lahat matibay,
dahil ang lahat ng matibay at matapang
Kalinga ang pinagmulan!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment